Sunday, January 3, 2010

tulang panagot












sa may dambana
ni ruth mostrales (fw member)


Sa loob ng aking munting silid,

Lahat ng sikreto ko’y ‘di lingid,

Mga tula, awit at hikbi ---

Dito’y naglalaro nang parati.



Sa loob ng aking munting silid,

Nandito --- aking mga kapatid.

Minsan ang araw ay piping saksi

Sa paghahabi ng sari-sari.



At kung may kadiliman sa labas ng bahay,

Ang awit ay may tanglaw ring tinataglay;

Kung ang hampas ng hangin ay walang humpay,

Ang tula ay may hatid na pag-alalay.



Nasaan ang iyong silid, dalhin mo ako.

Inaasahan ko ang iyong pangako.

Ihabi mo ng tula upang bigkasin,

At itahi ng awit upang awitin.



Ang aking silid ay silid mo na rin,

Kung pagbibigyan itong hangad kong mariin;

At kung hindi sasagot, ako ay patawarin,

Ang aking pag-irog, sa kanila na lang tanungin.



Dahil ang awit at tula ay mananatili,

Habang tayo’y nabubuhay lamang nang sandali.

Kayat bigkasin mo sila kapag ako’y lumisan na,

At awitin mo sila sa may dambana.



--ang aking sagot sa tulang ito

Sa giyagis na damdami't hilahod na tadhana
'sang laksang halimaw sa labas ang naglipana
ngingiti na lang sana kung bakit di makuha
ang ligaya at laya inaagaw pang lubha.


at dito sa apat na sulok nitong silid
lalakad lakad ng pabalik balik
paunting tatayo't maya'y uupo din
mag-iisip ng marami't susulat ng unti.


sa ganitong kalagayang pinapait ng luha
aba akong nilikha sa latag ng lupa
subali't dito nga ay aking pakikita
sa lungkot mabubuo ligayang sagana

salamat sa dambana
makapanikluhod nga..






No comments:

Post a Comment