Saturday, January 2, 2010

Sa aking nimpa













Sa aking haraya'y sumipot na bigla
isang paralumang sa ganda'y kaiba
mayumi't marikit kanyang bawat salita
nasa dibdib niya ang lumi at ragsa

at sakaling kanyang naising tugtugin
hawak n'yang kudyaping may himig lambing
pakatitigan mo't may husay 'tong angkin
kayang humawi ng laganap na dilim

dati nakapiit sa lungkot ng gabi
sagana ako sa pagdadalamhati
tila ba ang bukas parati nang sawi
kabiguang lagi nahunos kong ani.

nagbago ang lahat ng ika'y dumating
at ako'y naligtas na mapagupiling
malagmak ng husto sa piling ng lagim
salamat sa iyo nimpa kong butihin

No comments:

Post a Comment