Tuesday, January 5, 2010

Lambingan

tunay nga na walang wakas ang pag-ibig na matimyas
ang kapangyarihan nito'y di matalos kahit pantas
ang magsikap tumuklas sa lubos niyang lakas
marunong na tao'y tiyak na uuwing nababantad

sa mga ngiting maiinam, ay kakayaning magbukas
ng langit para man lamang itong liwanag magtanghal
itaboy ang kadilimang humahadlang sa pag-asam
sa ubod at kalubusan ng ligayang makakamtan

bumubukal sa makata'y matlaludtod na
kalaliman ng damdami'y hinukay ng buong sigla
naroroon natagpuan bulaklak na magaganda
na sukat'sapat pang-alay sa dalagang sinisinta

mang-aawit ng makita sa halamanan ang nimpa
naghiram sa makalangit ng instrumentong dakila
alpa na hawak tinugtog ng pusong may paghanga
sa nimpang agad din namang nagsayaw sa pagkatuwa.

sa gunita'y di mawala dalagang labis ang ganda
kaya itong manlililok nakaisip na gumawa
idibuho ang imahe ng iniibig na musa
resulta'y kahanga-hanga sa harapan nitong madla.

ang paligid ng pintor binahg-hari ang kulay
ng mamasdan ang dalagang may matang mapupungay
paleta't pinsel nagtulong magkaroon katuparan
larawan ng nililiyag iguhit ng buong husay

o lubos na dakila saan man natin isipin
pagpumasok ang pag-ibig sa hilagyo't sa damdamin
babagtasin maging langit dagdagan mo't kukulangin
di-hutukin maging ang sa di-malirip pangyarihin.

No comments:

Post a Comment