
Maglalakbay Hanggang Sa Hangganan
(kolaborasyong tula:cristina casacop/jesrael rivera)
Tampok sa daigdig ang laksang bagabag
Nagnigo sa mundo ang ganid at sukab
Agay-ay ng hangin kalakip ay lumbay
Sapat upang itong hilagyo’y tumamlay
Aking tinatahak masikip na landas
Puspos ng tiisin at may pagpapagal
Maagting ang sakit sa bawat paghakbang
Pagkat mapang-uroy naglisaw sa daan
Daluhungin ako’t sa lupa’y igupo
Balighong amuki nito ngang balakyot
Kasabikan nilang mamasdang malugod
Na ako’y hilahod at humahaluyhoy
Baluktot nilang isipa’y di mataros
Lansiha’y naglipana, handang manuob
Sigawa’y lagunlong tila ba guguho
Hahapay-hapay mahihina’t maluho
Ngunit ako’y laging magpapakatatag
Hambalusin man ng sanlaksang bagabag
Pagkat gabay ay bumabalong sa Diyos
Paham man o mangmang pantay na lubos
Pagtuligsa ng huwad ay walang saysay
Hampas ng pagsubok ay hindi lalatay
Pithaya ko’y di nila kayang bawasan
Hanggana’y lalakbaying dangal ay tangan.
(August 26, 2009)


No comments:
Post a Comment