sa lungkot ng gabi nakakulong
sa ihip ng hangin nagsusumbong
dalamhati sa dibdib na yumayabong
libong kabiguan sa loob ko'y nagbangon.

sa gitna ng dilim kaluluwa'y ligalig
ng iyong alaalang sa isip di mawaglit
pilitin mang iwaksi, pilit ding nagbabalik
usal ng bibig pangalan mo binabanggit.

naparam na mga ngiti sa alak ng luha
bunsod ng aking marubdob na nasa
dito sa mundong sikil ang aking laya
hanguin mo nawa ng kamtan ko ang ligaya.

ang pait ng kahapong inaawit ng gunita
musikang pahirap sa kamalayang aba
alingawngaw na tila di ata mawawala
pasakit sa aking isipang pata.

silipin mo ako sa aking pag-iisa
tanawin mo ako sa gitna ng pagdurusa
salimuot kong paraiso dahil sa iyong alaala
ang paglimot sa iyo kay hirap ng mawala.

No comments:
Post a Comment