Kay lambing ng hangin ng umaga ngayon
kay tamis ng awit niyaong mga ibon
ang araw sa langit may bating mairog
banaag sa kanyang liwanag na handog
kung nunuynuyin ko ang nagdaang mga araw
ng aking tinutugpa'y kawalang kawawaan
daang maluwang sa mga ganid at mangmang
subalit ang huli'y sawing katapusan
hibang ako noon tuloy sa paghakbang
kasamaa'y aking aliw sa katawan
di ko nga napansing ang panlulupaypay
aking kaluluwa'y aking pinapatay
paunti nang aking nalusong ang paa
ng mapaghulo ko itong mga nagawa
ang kasasapita'y mga pasakit pala
mapapala ko'y sa bangungot kamukha
sa aba kong lagay ikaw ay naglahad
kamay mong anyaya ay tulong at gabay
inakay ako sa matuwid na daang
masikip ngunit may mapayapang buhay
pa'no lilimutin iyong mga ginawa
pagsisikap mo sa aking kaluluwa
mahango ito sa pita ng masama
at ligayang tunay ay aking matamasa
purihin ang diyos at ngayo'y sumapit
iyong kaarawang tinakda ng langit
marahil nga upang tulad ko'y hanguin
sa pagkawakawak iba pang dalinsil.
No comments:
Post a Comment