
Nanalamin sa kristal na tubig
sa linaw nito'y napagtanto
kay lapit lang pala ng panaginip
ang langit at buwan ay naroroon din
kayang abutin pati mga bituin,
na nagniningning sa dilim ng gabi.
ang buwan na sa liwanag ay nakaka-akit
ng mga magsing-irog na nagliliwaliw
isang dipa lamang itong layo sa akin.
isang dangkal nga lamang kung tutuusin.
malamang maiinggit,mga hangal na nagnanais
maangkin ang taglay na pangrahuyo ng langit.
kaya sumubok agad at mabilis
ginagagap ng kamay ang aking hangarin
e bakit nga ba't hindi? kung ito'y napakalapit
abot kamay lamang sa aking panoorin
oras ay di dapat masayang na labis
baka may makatuklas maagaw pa sa akin.
ngunit ng madampian na ng aking mga kamay
biglang nabigo ang lahat ng pag-asam
sa aking mata pala ay panlinlang
langit ay ganoon lang pala kadaling mamasdan
abot tanaw,ngunit libong layo ang pagitan
sa atin ditong lupang tungtungan.

No comments:
Post a Comment