
natigmak sa dugo ang lupa kagabi
pagka't magigiting ay di napagapi
kung sukd'ang kay'langan buhay ang ibuwis
wag lang ipagupo kalayaang mithi
ay gagawing walang tigatig sa dibdib
sa ngalan ng bayang, lubos iniibig

kagabi nagkalat ang bangkay sa daan
katawa'y nilarot ng punlo at tabak
himagsik ng lahi ituloy ang laban
mamatay ay tunay,ligayang kay inam
kapalaluan ay t'yak na mapaparam
kasarinlan din ay,lapit ng matanaw

kagabi ay aking minasdang mabuti
ang mabunying araw at Tatlong bituin
kaninang umaga ng ito'y tanawin
pinagpupugayan ng buong taimtim
doon sa palasyo,pinuno't kawani
sumasaludo pang nagagalak man din

ngunit ng sumapit na muli ang lagim
sa dilim na kalat sa langit ang dilim
kalayaan nating tinubos ng sawi
tila ata bigla sa mali nauwi
kalayaa'y gamit sa pagmamalupit
hikahos na bayan,lalo pang sinawi

tumitig ka't ngayon lalol pang tumitindi
sangkaterba nga ang ganid at masakim
ngayon di lang dayo ang mga nanlulupig
bagkus pati na nga kabayan pa natin
naluklok sa pwesto aba't di papigil
maging yamang bayan ay kan'yang inangkin.
mga anak ni inang bayang minamahal
maging sila sila ay nagpapatayan
prinsipyo laban sa prinsipyong matatag
kamatayn para sa mga sasalungat
di ata hinuha mga pinagpagalan
dugo,luha't pawis ng bayaning mahal.

kung di rin lang tayo ang magtutulungan
at sino pa nga bang ating aasahan?
atin nang linisin putik sa watawat
na dulot ng dilim sa gabing nagdaan
ang tatlong bituin di dapat watak
ng maging maningning at mamusilak.

ang bughaw na kulay ay panatilihin
payapa't malinis na ating hangarin
may tingkad ng pulang dugo ng magiting
kalayaang bigay ng ninuno natin
may laan ang bukas,pag-asang kakamtin
at tayo'y di na nga muling pabubulid....

sa dilim ng gabing ang hari ay lagim.